Maaga kami tumawid ng karagatan mula sa Calapan patungo sa Batangas. Kailangan naming mag RORO dahil marami akong dala at may meeting kami sa San Pablo. Alas tres ng umaga kami umalis pero aalis ang barko ng alas kuwatro. Hahabulin ko sana ang antok ko pero sa di kagandahang pangyayari, may tatlo kaming nakasakay na gising na gising. Walang kaantok-antok kaya ganadong ganadong magkwentuhan. Napag-alaman ko tuloy na di masyadong honest ang mga nakapaligid sa kanila dahil ultimo chocolate at tsinelas ay nawawala. May mga edad na sila kaya di ko inisip na nakashabu. Sandaling nawala ako sa takbo ng kwento. Marahil ay nakasalisi ako ng tulog. Balak pa sanang ulitin ng sekretarya ko ang kwento sa aming drayber. Mabuti at nagpapigil matapos kong bigyan ng isang masamang tingin. Hay, ayoko na ireplay ang mga kwento.
Sa hirap na inabot ko sa maghapon, di na ako bumalik sa Calapan. Remote ko na lang pakikilusin ang mga tao. Kalulubog lang daw ng isang RORO sa Kabisayaan kahapon. Ito rin siguro ang nagpaandar ng takot blues ko sa tubig.Nagpahatid na lang ako sa Turbina. Sanay na ako sa Jam Transit sumasakay. Pero walang Jam. Napilitan akong lumarga sa Lucena Bus Lines. Ang layo ng kaibahan ng mga drayber nila. Sa Jam, para kang safe na safe ala Amerika. Sa bus stop lang humihinto at magalang ang tauhan. Suwabeng suwabe ang takbo ng bus ng Jam. Kabalintunaan naman ang Lucena Bus Lines, although, high-tech ang ticketing dahil naka POS, ang drayber naman ay may nakaaway pang kapwa drayber, nahuli ng MMDA police, at lahat ng pasahero ay ibinababa sa delikadong lugar. Hirit pa nya, huwag kang matakot, di ka nyan sasagasaan! Aba, marunong pang magpalakas ng loob! Promise, Jam for life na ako. Second room ko na kasi ang bus na ito. Para akong pinaghehele at gigising lang kapag may magtitinda sa Balagtas at Turbina. Sandali lang naman iyon. Close na kami ng mga konduktor. Alam na nila na tatayo muna ako bago dumating ng Santulan at kung hindi ay di ako makakalakad pababa.
Dalawa ang bayad ko sa FX pauwi sa Obando. Di kasi kasya ang wetpu ko pag apat kami. Minsan, nagtipid ako, isa lang binayad ko. Ang inabot ko, yung katabi ko pisik ng pisik. Di ko na lang pinansin. Pero minsan din, yung natipid kong 40 pesos ay kinulang pa para ipambili ko ng gamot sa sakit ng tuhod. Pag may pagkakataon, mag sa suggest ako sa mga kongresista na matapos nilang pahalagahan ang mga kababaihan, katandaan, kabataan, homosexual, at mga maysakit, ay pagtuunan naman nila ang kapakanan ng mga matataba. Dapat yung FX, gawing tatluhan lang o kaya naman, mas laparan para kasya ang apat. Di naman namin kasalanan ang maging malusog. Kaunti lang naman kumain ang matataba sa akala namin.
Para sa akin, ang bawat biyahe ay isang aral sa buhay. Mahirap mamasukan sa opisina. Ubos ang oras mo sa kalye. Pero ako, walang nasasayang na oras. Natutuhan kong matulog nang nakaupo. Natutuhan kong pagtiyagaan ang kwento ng buhay ng mga kasakay. At higit sa lahat, damang dama ko ang buhay pauwi sa tahanan.